Hindi naging hadlang ang pagkakalayo ng isa’t isa dahil sa pandemya upang ipagdiwang ang ating wikang pambansa. Ito ang ikalawang taon na ginawang birtwal ang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa Paaralang may Puso. Birtwal man ang selebrasyon todo bigay pa rin ang mga Crucian sa pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa wika at pagpapamalas ng kanilang angking talento.
“Ang pagmamahal sa sarili at pinagmulan ang siyang magbubuo sa iyong kamalayan at kaibuturan.” Ganito tinapos ni Binibining Jenilyn Bermil ang kanyang talumpati sa opisyal na simula ng selebrasyon ng Buwan ng Wika dito sa Holy Cross College, Agosto 23.
Si Bermil ang pangulo ng Asosasyon ng mga Batang Mag-aaral Kaagapay tungo sa Daan sa Pag-unlad ng Wikang Pambansa o ABAKADA. Kasama ng ABAKADA ang Supreme Student Council at Departamento ng Filipino sa paghahanda ng mga aktibidad para sa mga Crucian. Lahat ng mga ito, ginawang birtwal para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng kalahok.
Talentong Crucian
Pinahapyaw ng ilang mag-aaral ang kanilang pagiging malikhain sa pamamagitan ng paggawa ng maiksing TikTok videos na nakasentro sa kultura at wikang Filipino. Tinanghal na kampeon si Kessie Mae Musngi ng BS Criminology.
Pinamalas naman ng ilan ang kanilang talento sa paggamit ng makeup at pagpipinta. Kampeon sa Mukhang Pintado si Karen Panlilio ng BS Education.
Panalo naman sa Spoken Poetry competition si Abcdie Aquino; habang first place si Jaynard Policarpio sa Paggawa ng Katatawanang Pilipino o Memes.
Nanguna sa pagsulat ng sanaysay si Ana Katherine Naluz. Nagwagi sa pagbuo ng slogan si Samson Carrenina. Si Marielle Sevilla naman ang tinanghal na kampeon sa pagsulat ng tula na may disenyong larawan. [INSERT WINNER]
Ilang mga estudyante ang nagpakita ng kanilang talento sa pagsulat ng pagkanta ng orihinal na awitin at paggawa ng Kapampangan vlogs.
Wika laban sa kolonisasyon
Ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon ay “Filipino at Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” 500 taon na mula nang sakupin ng mga dayuhan ang Pilipinas.
Higit isang siglo man ang nakalipas mula nang lumaya ang Pilipinas sa mga mananakop, patuloy pa rin ang paglaban ng bansa para sa kultura at wika nito.
Ayon kay Binibining Rose Marie Tapia, tagapayo ng ABAKADA, kasama sa laban para sa kalayaan “ang pagpapahalaga sa wikang Filipino at wikang katutubo.”
Naniniwala naman ang pangulo ng paaralan na si Atty. Dennis C. Pangan na hindi pagpapakita ng kagalingan ang pagsasalita sa wikang Ingles, kaya bilin niya sa buong komundad ng HCC, “Lagi nating isabuhay ang pagiging makabansa sa pamamagitan ng paggamit ng Wikang Filipino.”
Makikita ang listahan ng mga nanalo sa iba’t ibang patimpalak at mapapanood o mababasa ang kanilang mga entry sa official Facebook page ng ABAKADA.
Kung may katanungan o nais makipag-ugnayan sa Holy Cross College, maaari ring mag-iwan ng mensahe rito.